Friday, August 31, 2012

Pinoy Hip-Hop: Hindi Na Basura!

Baka hindi nyo na naaalala, pero noong 2006, nagrereklamo ako kung Bakit Walang Pinoy Rap Explosion? Isa ito sa mga paborito kong blog, kasi malakas ang kutob ko na yung "FM" na nag-comment dun ay walang iba kundi ang pinakamamahal nating Master Rapper, the late great Francis Magalona. Binigay ko kasi sa kanya yung link ng blog sa Multiply. Ang sabi nya:


Basura kasi ang ugali ng Pinoy rap fan. 

  1. Di nila binibili ang lokal rap music, kasi hindi "my nigga" ang dating.
  2. Di na nga binibili, puro HATE pa, pumunta ka sa mastaplann.com o pinoyrap.com, puro away, murahan, pa-gangstahan. Hate-hop ang dating
  3. Puro porma, supot naman. Peke ang bling, peke din and mga letra, mga nakaw.
  4. Hindi united
  5. kunyari maka-underground, pero sa totoo lang, hindi kaya ang fame, pag arena o stadium na tinutugtugan, mga may kabog sa dibdib.

Isang gabi, nanood ako ng Dope MNL Vol. 11 All-Stars! sa Saguijo. Umaapaw hanggang sa kalsada ang mga tao. Pero pag titingnan mo yung lineup, wala namang sikat na banda na kasali sa Tanduay First Five. Halos puro hip-hop ang sumalang. Napanood ko ang People's Future, Misyonaryo, The Out of Body Special, pati ang malupet na Lyrically Deranged Poets (LDP). Tapos, Stick Figgas kasama si Kat Agarrado.  Eto may nakuha akong video. Pasensya na kung madilim at sabog ang audio, yan lang ang makakayanan ng telepono ko:


Matagal akong napalayo sa Pilipinas kaya laking gulat ko na ganito na kalakas ang movement ng Philippine Hip-hop. Wala akong nakitang gumagaya ng attire ni Lil Wayne o Chris Brown. Wala akong nakitang may pekeng bling. Walang mapagpanggap. Walang nakaw na lyrics. Walang baduy na letra tungkol sa stupid love.

Hindi rin siguro coincidence na halos buong linggo ko nang pinapakinggan ang bagong labas na album ni Gloc-9, ang "MKNM (Mga Kwento Ng Makata)". Sa bigat ng lyrics sa album na ito, sa tindi ng collaborations (a.k.a tadtad ng salitang "featuring"), at sa pagpapatuloy ni Gloc-9 sa pagpuna sa kasalukuyang estado ng Maynila, hindi ako nag-iisa kung sasabihin kong kasama ito sa pagpipilian bilang 2012 Album of the Year.

Ngayon, gusto ko mang burahin yung blog entry ko, masyadong precious sa akin ang comment ni Sir Kiko. Gusto ko na syang tanggalin kasi alam ko, naramdaman ko, at nakita kong narito na ang "explosion" na hinahanap ko noon. Akala ko, noong nawala ang Francism, namatay din ang rap sa Pilipinas. Ngayon, kaya kong sabihin, with head held high: NAPAKAGALING NG PHILIPPINE HIP-HOP!

"Bless the man if his heart and his land are one. The three stars and a sun." - Francis Magalona

0 comments: