Monday, January 30, 2006

Bakit Walang Pinoy Rap Explosion?

Kung explosion ang pag-uusapan, mas naunang nag-explode ang rap sa Pinas kesa sa mga banda. Noong 1990 nagsimula ang pagpasok ng rap sa Pinoy mainstream. Sinimulan ni Francis M, sinundan nina Andrew E., Michael V, Lady Diane, tsaka Denmark. 3 years bago maglabasan ang mga banda, nag-dominate ang Pinoy rap sa airwaves. Nakipagsabayan pa nga sa band explosion (medyo 1996 yata) ang Masta Plann, Sun Valley Crew, Urban Flow, Death Threat, at iba pa.

Ngayon, may panibagong Pinoy band explosion. E bakit hindi makapag-explode ang Pinoy rap ngayon?

Marami sigurong magsasabi sa kin, "wala kasi sa radyo tsaka sa TV ang mga totoong Pinoy rappers ngayon. Nasa underground sila," o kaya may mga magsasabi din na "nandyan naman ang Salbakuta a. Nandyan din yung Dice & K9. Nandito din yung Dicta License. Pati 7 Shots. Nandito rin ang SVC. Nandito rin si Gloc9, wala syang apelyido, magbabagsakan dito in 5, 4, 3, 2.."

Siguro nga may presence ang rap sa mainstream. Pero ang keyword dito ay DOMINATE. Bakit nga kaya hindi na makapag-dominate ang Pinoy rap sa mainstream? Bakit mas mag-aaksaya ng load ang mga tao sa pagboto sa video ng Westlife kesa sa video ng isang isang Pinoy rapper/rap group?

Siguro nga marami ding factors kung bakit hirap na hirap maka-establish ng totoong kultura ng Pinoy rap/hip-hop dito. Kung hindi natin hahanapin at bibigyang solusyon ang ugat ng problemang ito, kawawa naman tayo. Hip-hop na ang nagdo-dominate na genre sa mundo, tapos wala man lang tayong pambato bukod kay Francism at kay Andrew E?

Bakit nga ba hirap mag-dominate ang Pinoy rap sa mainstream?
Tingin ko, isa sa mga ugat ng problemang ito e yung hirap na maka-relate ang A & B crowd sa Pinoy rap kumpara sa pag-relate nila sa Pinoy rock song. Ang mga usual kasi na subject matter ng rap ay love & sex, bragaddocio (yabangan), partying, storytelling, crime, drugs, at sociopolitical commentary. E ang mga rap talaga e galing sa streets yan e. Imposible talagang maka-relate ang mayayaman sa kwento ng mga mahihirap. Kung dedma sa A & B crowd ang rap group, walang kang makikitang nakakabit na "MAJOR" sa mga salitang tulad ng "sponsor", "concert", at "event" sa rapper/rap group na ito.

Dahil sa diskriminasyon ng mga mayayamang ito sa mga dukhang rapper, nagkukunwari na lang ang ibang rapper/rap groups na wala sila sa Third World country. May napanood akong video dati ng isang Pinoy rap group na nakakadismaya. Nakasakay sila sa magagandang kotse, may kasamang mga chicks, may champagne, with matching bling-bling, at panay ang "uh-huh, uh-huh, yeah" na nagfi-feeling na P Diddy. Naknamputsa. Kung foreign na video yon galing sa US o UK o Japan, ok lang e. Pag Pinoy kasi ang gumawa ng ganun, ang unang iisipin mo e "kanino kaya nila nahiram yung kotse?" o kaya "saang beerhouse kaya nila nakuha yang mga babaeng yan?". Imbis na mapa-"WOW, COOL" ka, mapapa-"#&^@%#$% ILIPAT MO NA NGA YAN SA IBANG CHANNEL!" ka e.

Iilan din lang siguro talaga ang mga rappers o rap groups na may mentality na "Think Global, Act Local". Mas gugustuhin pa ng ibang rapper isuot ang jersey ni Dennis Rodman kesa jersey ni Jaworski. Dine-deny ng mga rapper/rap group na ito ang Filipino roots nila. Si Apl.De.Ap nga ng Black Eyed Peas, proud na proud sa pagiging Pinoy nya, samantalang itong mga rapper na nandito sa Pinas, gustong maging xerox copy ni Nelly o kaya ni 50 Cent. Naisip ko lang, siguro ang appeal ng mga Pinoy rock groups e kaya nilang mag-tunog foreign pero Pinoy na Pinoy ang lyrics. For example, yung Bamboo. Pwede naman nilang carrier single yung Mr. Clay o kaya yung As The Music Plays, pero bakit Noypi yung ginamit nila?

Siguro rin walang masyadong controversy na nagmumula sa mga rapper o rap group. Hindi buzz worthy ang karamihan sa mga personalities na nasa loob ng kulturang ito. Si Andrew E. kailangan pang mag-isip ng kung anu-anong double meaning na kanta para mapansin ng censors. Pag napansin ng censors, may publicity. Pag may publicity, may bibili ng album. Kung paggawa lang ng buzz, pwedeng experiment siguro ito: dalawang rap group na magkakabarkada pero gagawa sila ng scripted na rivalry (parang wrestling). Yung ire-release ng isang rap group na single, tungkol sa bulok na rap group na na ang babaho at hindi marunong mag-rap. Tapos magre-release yung inasar nilang rap group ng rebuttal sa single nila. Ayun. Tapos mag-hire na lang sila ng script writer para sa "rivalry" nila. Pag napalaki nila yung gulo na parang 2pac vs B.I.G. na level, grabeng headlines (at album sales) ang magagawa nun. Tingin nyo, bakit mataas ang rating ng Ang Dating Daan tsaka Ang Tamang Daan sa TV?

Last but not the least, naisip ko lang na madaling pagsawaan ng mga tao dahil masyadong maraming sumusunod sa template ng sumisikat na rap. Tingnan nyo yung S2pid Love ng Salbakuta. Yung rap ba na tungkol sa sawing pag-ibig tapos lalagyan mo ng sample ng isang sikat na love song. Parang lechon manok na nagsulputan yung ibang rapper na nagkukwento tungkol sa kasawian nila. Jusko, sukang-suka na ko sa mga nakakaawang love story nyo na niloko kayo ng babae na nahuli nyong nakikipagsex sa iba tapos iniwan kayo. Tama na yung isang S2pid Love. Mag-isip naman kayo ng ibang topic.


Sana nga magkaroon na ng rebolusyon sa Pinoy rap. Sa tingin ko, ito ang missing ingredient sa pagsulong ng Original Pilipino Music. Pag may established na Pinoy rappers at rap groups, ganap na mabubura na sa mundo ko ang mga foreign rapper na yumayaman kasi walang ibang kinukwento kundi yung pera nila tsaka yung mga babae nila.

Sa mga Pinoy rap fans, opinion ko lang to. I call it as I see it. Kung may violent reaction kayo, feel free to comment on this blog.

Monday, January 23, 2006

Andito na ang Baby...

Matagal din na hindi ko na-update tong blog na to. Dumating na kasi ang napakatagal naming hinintay na tabachoi's bouncing baby boy. Lumabas sya ilang oras pagkatapos ng Pacquiao-Morales 2. (In this corner, weighing 7.5 lbs, standing at 48 cm, wearing NO TRUNKS...)

Ano ang koneksyon ng baby ko sa blog entry ko ngayon? Isa kasi sa mga pinakamahirap gawin bilang isang tatay e ang magpatulog ng less than a week old baby. Wala akong dede para ipasak sa bibig nya pag nag-iiiyak sya. Nagwo-work din yung Brahm's Lullaby, pero ako yung nauurat e kasi naaantok din ako sa kanta (sa mga hindi alam kung ano yung Brahm's, sigurado ako alam nyo to di nyo lang alam yung title, hanap na lang kayo ng mp3 or MIDI sa Google).

E di sinubukan kong gumamit ng OPM para magpatulog.

Eto ang mga resulta:

Bamboo - Much Has Been Said

Instant hit to sa baby ko. Ito yung unang-unang OPM na narinig nya. Sakto kasi na umiiyak sya nung pinalabas yung video nito sa MYX. E di sinabayan ko yung video. Ayun. Tulog agad ang bata. Kaso nung gusto ko nang kantahin ulit, kailangan ko na ng kopya ng lyrics.
Rating: 3 out of 5 stars dahil kinailangan ko pa ng lyrics.
Hale - Kung Wala Ka
Nag-pay off ang pagkanta ko sa mga videoke ng Broken Sonnet tsaka The Day You Said Goodnight. Nakuha ko na sa wakas ang tamang pagkanta ng Hale songs. Para makuha mo yung style ni Champ, ganito: habang kumakanta ka, dapat hindi naghihiwalay yung mga ngipin mo tapos parang antok na antok ka sa pagkanta. Try mo. Gusto to ng baby ko. Yun nga lang pag ginagaya ko na yung Hale, nangingilo na ko. Masarap kantahin to pag nakadapa si baby sa dibdib ko habang nakaupo kasi parang nagva-vibrate kaming dalawa.
Rating: 3 out of 5 stars dahil nangilo ako kakagaya sa Hale.
Sugarfree - Tulog Na

Ok to kung yung verses lang yung kakantahin mo. Kung hindi lang dahil dun sa makabasag-itlog na chorus, eto yung paborito kong kantahin sa baby ko e. Masarap i-hum to pampatulog. Lullaby na lullaby. Tapos yung lyrics nya swak na swak sa moment:
Tulog na mahal ko
Hayaan na muna natin ang mundong ito
'lika na tulog na tayo
Tulog na mahal ko
`wag kang lumuha
Malambot ang iyong kama
Saka na mamrublema

Tulog na hayaan na muna natin sila
Mamaya hindi ka na nila kaya pang saktan
Matulog, tulog ka na

Tulog na mahal ko
nandito lang akong bahala sa iyo
Sige na tulog na muna
Tulog na mahal ko
at bukas ngingiti ka sa wakas
at sabay nating harapin ang mundo

Tulog na hayaan na muna natin sila
Mamaya hindi ka na nila kaya pang saktan
Matulog, tulog ka na
Rating: 4 out of 5 stars dahil kailangan mong babaan ang chorus kung gusto mong hindi magising yung anak mo sa pagpiyok.
Rivermaya - You'll Be Safe Here.
Di ko alam kung bakit, pero nung first time ko kinanta to sa baby ko, naluha ako e. Oo madrama pero hanep naman kasi yung lyrics ni Rico Blanco dito. Kinakanta ko rin kasi to dati sa misis ko e. Ngayon, pag hawak ko yung baby tapos kakantahan ng "you'll be safe here in my arms through the long cold night, sleep tight..", parang feel na feel ko na yung pagiging daddy. Astig. Yun nga lang, hindi makatulog ang baby ko dito sa kantang to. Nakatitig lang sa kin.
Rating: 3 out of 5 stars dahil hindi makatulog ang baby ko sa kantang ito.
Eraserheads - Wag Kang Matakot
Namamana talaga yata sa tatay ang musical taste. Pag ito na kasi yung kinanta ko, ang gaganda ng mga nangyayari. Nung unang kinanta ko to sa kanya, first time ko din nakita yung smile nya (alam ko hindi pa yun yung totoong smile nya, pero pwedeng-pwede na yun no!). Kinakanta ko to pag gising sya, habang nag-iinat-inat, tapos tititigan nya lang ako na parang gustong makipaglaro. Pag matutulog na sya, eto pa rin yung kinakanta ko. Nakakatulog naman agad. Baka naririnig na nya to habang nasa womb pa lang sya, kaya alam na nya yung song.

Rating: 5 out of 5 stars. Siguro, siguro lang ha, nakita ko na yung magmamana ng bibilhin kong Eraserheads Boxed CD collection na ilalabas ng Sony-BMG this year.

Wednesday, January 11, 2006

Pupil - Beautiful Machines

Isusulat ko ang review na ito under the following premises:
  1. debut album to ng isang di kilalang banda
  2. hindi ko kilala si Ely Buendia
  3. hindi ko alam kung ano ang Eraserheads
  4. hindi ko alam kung ano ang Mongols.
Pupil - Beautiful Machines
Siguro kulang pa ako sa pakikinig ng mga foreign artists, pero naaalala ko ang Siamese Dream album ng Smashing Pumpkins dito sa Beautiful Machines. Guitar driven, haunting melodies, tapos unique yung boses ng vocalist. Wala masyadong palabok sa tunog. Gitara, effects, tsaka ayos na banat ng drums.

Kadalasan pag debut album, kinakapa pa ng banda kung ano yung gusto nilang tunog e. Di ko alam kung pano nagawa ng Pupil na ma-establish agad yung gusto nilang tunog sa first try. Last year ko lang narinig yung pangalan nila pero di ko na-expect na ganito yung unang subok nila sa paggawa ng album. Consistent ang banat ng gitara tsaka drums. Nag-iiba man ang vocals, hindi nagbabago ang tunog. Ang tendency kasi pag debut album, sari-sari ang tunog tapos kung ano yung tunog ng kantang kakagatin ng masa, yun yung gagamitin sa susunod na album. Case in point, Sugarfree. Yung tunog ng Dramachine nila pwede mong sabihin na nag-springboard mula sa tunog ng kantang Mariposa sa debut album nila. Sa second album pa na-establish ng Sugarfree yung distinct na tunog nila.

Para sa kin, ang makaka-define ng album e yung mga kinanta ng lead vocals ng bandang ito (Ely Buendia daw sabi dun sa CD sleeve, I wonder who he is). Didikit talaga sa utak mo yung mga melody.

Iisa-isahin ko na lang yung top 4 na paborito kong kanta sa album.

Different Worlds

"This is the opening of the show. So glad you came here tonight.."
Hayup. Meron bang Beatles influence ang sumulat nito at ginawang mala-Sgt Pepper ang unang kanta? Hehe.

Para sa kin, yung Different Worlds, kanta ng Pupil para sa iba't-ibang klaseng tao sa audience nila pag gigs. Mula dun sa "heard you got lost in the woods again, well that makes two of us", idagdag mo pa yung paggamit nila ng "vermillion eyes" which is another term for "red eye", na sa pagkakaalam ko pag red eye sa airport, eto yung flight na aalis ng late ng gabi at magla-land ng madaling araw. Para ito sa mga fans na sumasabay sa kanila mula umpisa hanggang katapusan ng gig. Sana tama ang interpretation ko.

Nasaan Ka

Isa sa mga kanta sa album na masarap kantahin habang naliligo. Didikit sa utak mo yung melody lalo na yung huling part na paulit-ulit na "mahahanap din kita..".

Pinapakinggan ko yung lyrics. Tungkol sa isang tao na nawalan ng minamahal (dohhhhh pano ko nalaman yon?). The song features the usual stages pag nawawalan. Magandang reference ang kantang to kung meron kang kilala na hiniwalayan ng gelpren o boypren, tapos io-observe mo yung mga kilos nya after the breakup.
  1. First Phase - Denial: "Kasama kita sa aking panaginip, sasabihin ko dapat sa yo pero wala ka na"
  2. Second Phase - Anger: "Nanlilisik, namimilipit sa galit"
  3. Third Phase - Confusion: "Umiikot ang aking paningin sa mga tanong na di kayang sagutin"
  4. Fourth Phase - Regret: "Di na makikita, di na mahahawakan ang maganda mong mukha pagkat wala ka na"
  5. Final Phase - Hope: "Mahahanap din kita."
Pero ang kicker sa kantang ito ay ang line na, "Mahahanap din kita (kung may langit nga ba)". Namatayan ba sya? O nag-give up na sa pag-asa na magkikita uli sila? O hahayaan na lang nya na dalhin sya ng agos ng tadhana? Naks.
Gamu-gamo
Ang effect sa kin nito parang kanta nila para sa mga nags-struggle sa rock scene.
"Libu-libong mga taong katulad ko, walang nagagawa. Nabighani sa ganda ng liwanag mo, sa ere sumasayaw. Di kita mahawakan.."
Aahhh. Fame. Parang apoy ng kandila ang promises ng stardom. At lahat ng mga nabibighani ng mga promises na ito, parang gamu-gamo (moth) na hindi magdadalawang-isip na magpalamon sa sistema para lang sumikat. At sa pagpapalamon na ito, nakakalimutan nilang mag-ingat.
Dianetic
Tamang-tama, kakapanood ko lang ng episode ng South Park tungkol sa Scientology. Dianetics daw ang haligi ng "relihiyon" na ito ni L. Ron Hubbard. Mag-research na lang kayo tungkol sa relihiyon na to. Pero sabi dun, ang Dianetics ay galing sa Greek words dia, meaning "through", tapos nous, meaning "soul". Sa Scientology, maaring ibig sabihin ng Dianetics ay ang mga paraan kung paano naapektuhan ng soul ang katawan ng tao.
Sa album naman, Diane ang pangalan ng vocals ng Beautiful Machines, at sya yung pinasamalatan ni Ely Buendia sa acknowledgements. Connect-connect na lang. Ang Dianetic, sa kantang ito, ay maaring mag-describe sa isang taong nagmamahal sa isang babaeng pangalan ay Diane.
Pero ang hanep dito, nag-merge ang magkaibang definition ng Dianetic sa linyang: "Bawat halik ay tanda ng pangako na magiging akin ka, sa puso't kaluluwa." Ang physical na act ng halik ay galing sa pagiging isa ng puso at kaluluwa ng dalawang tao.
Dumidikit sa utak ang melody ng kantang to. Kinakanta ko nga kanina nung pababa ako ng elevator hanggang nakapunta na ko ng 7-11 e. Namalayan ko na lang nung sinabihan ako ng kasama ko ng "Hoy tigilan mo na yan. Paulit-ulit e."
Ito ang pinakapaborito kong kanta sa album.

Monday, January 09, 2006

Ang Nakakasawang Issue Tungkol Sa Breakup ng Eraserheads

Nanood ako kahapon ng S-Files kasi nandun daw yung Pupil. Tinugtog nila yung "Nasaan Ka?" tapos bago matapos yung kanta, lumapit si Joey Marquez tapos pinilit nyang kantahin to the tune of "Nasaan Ka?" yung intriga kay Ely tungkol sa breakup ng Eraserheads. Na-erase na daw ba ni Ely sa head nya ang Eraserheads?
Sabi ni Ely, "forgive and forget lang yon. Na-forgive ko na sila. Na-forget ko na rin sila" (chuckles)
What the?
Maraming pwedeng selling point ang Pupil para makilala sila ng mga tao. Hindi lang naman "Ely's new band" e.
Maganda naman yung Beautiful Machines at pwedeng yung mga kanta na lang ang gamitin to create a "buzz". A hundred notches higher than any other debut album released in 2005 in the market today. Hayaan nyo isusunod ko dito yung review ko ng Beautiful Machines.
Pwede ding selling point yung legendary status ni Ely sa Pinoy rock. Walang kokontra siguro sa kin kung sabihin kong isa sya sa mga natatanging contributor sa pag-advance ng OPM (plus 3 other people, namely, Raimund Marasigan, Buddy Zabala, and Marcus Adoro). Si Pepe Smith tsaka Mike Hanopol ba nung nagkaroon ng bagong banda, kelangan bang laging i-bring up yung breakup nila ng Juan Dela Cruz? Nung lumabas ba yung Cambio, pinapalitaw ba nila yung issue tungkol sa Eraserheads?
O sige kung kulang pa yang dalawang selling point na yan, idagdag nyo yung mga itsura nila. Since uso naman ang mga pogi ngayon, di hamak na mas marami ang pogi sa Pupil kesa sa mga papogi bands ngayon. Si Ely, matagal nang tinitilian ng mga babae yan a. Si Yan Yuzon, kapatid ni Yael ng Spongecola. Siguro naman may idea na kayo sa pagka-gwapo nun. Yung si Boks Jugo (sana tama yung name), pwedeng maging cast ng The O.C. (hehe). Tapos yung si Dok Sergio, nung napanood ko sila ng live, may hawig kay "Red Sternberg" of TGIS fame. Teka, teka.. bago ako mabakla babalik na ako sa topic.

Bakit selling point ng promotion ng Pupil yung breakup ng Eraserheads? Bakit ngayon lang? Di ba dapat nung Mongols pa lang, ginawa na nila to? Kumbaga habang mainit pa, pinakain na nila sa mga tao. Ngayon, yung issue parang panis na kanin na ininit na lang tapos na-serve as sinangag na kanin (fried rice, you plick).
Rewind tayo.
    • 1997. NU Rock Awards. Nung tumatanggap ng award ang Eraserheads,
      may sumigaw sa audience "NAKAKASAWA NA KAYO!!!". Sumagot si Raimund ng
      "NAKAKASAWA KA NA RIN!".
    • 1998. Wala ni isang award napanalunan ng Eraserheads. No show din sila sa awards. (click here for PhilMusic article).
    • 1999, lumabas ang Natin99, na para sa kin ang masterpiece ng Eraserheads. Let's just say hindi ko na narinig na tumagal yung "Maselang Bahaghari" sa charts ng mga pop radio stations.
    • 2001. Lumabas ang sinasabi ng karamihan na pinakapangit na album ng Eraserheads, ang Carbon Stereoxide.
    • 2002. Nagtext si Ely sa mga bandmates ng "Graduate na ako" or something to that effect tapos hindi na sumipot ng live gigs. Pinalitan sya ni Kris Dancel ng Fatal Posporos as vocals.
2003. Please Transpose. May copy ka ba nito? Ako meron pero burn lang. Tanungin mo yung katabi mo habang binabasa mo to. Alam ba nya yung Please Transpose? Kung oo, congrats. Kung hindi, normal lang yun.








In other words, the Eraserheads died a natural death. Nag-struggle sila, they had a hit carrier single, they made an impact, the sold albums, they were cheered, they toured. Then people got tired of their act, they got booed, their albums got bad reviews, they got tired, they broke up, each had solo careers. Tapos na. Sakto lang yung nangyari sa kanila. Life cycle ng isang banda na hindi "One Hit Wonder". O sige, sige, since sila ang "Beatles ng Pinas" para sa inyo, parang Beatles din sila na napagod na yung mga members sa pagmumukha ng kabanda, kaya nagkahiwa-hiwalay.
Ngayon parang bangkay na hinuhukay na pilit binubuhay ulit. Yung mga nasa mailing list ng Eraserheads na nagp-plead ng reunion, wake up! Para kayo yung napanood ko sa Magandang Gabi Bayan na hindi nililibing yung bangkay kasi nakakagamot pa daw at parang buhay pa.
Yung Ultraelectromagnetic Jam album, tribute yon. Pagpapasalamat ng mga sikat na banda ngayon sa Eraserheads sa na-pave nilang daan para sa mga tulad nila na gustong sumulat ng kanta at iparinig sa mga tao. Hindi sya hint ng reunion o ano mang pinag-iisip ninyo.
Two words lang: MOVE ON.
Wala nang Eraserheads. Kill the "Ely vs the other Eraserheads" issue. Ibigay sa Eraserheads ang para sa Eraserheads. Ang sa Cambio ay sa Cambio. Ang kay Surfernando ay kay Surfernando. Ibigay sa Pupil ang para sa Pupil.
The Eraserheads are dead.
Long live the Eraserheads!!!






Tuesday, January 03, 2006

Pogi Rock

Hindi na sya sekreto. Gamit na gamit na yung term sa iba't-ibang blog. Narinig na natin kay KC Montero sa MTV Pilipinas 2005 nung inintroduce nya yung Cueshe tsaka Hale. Ang bagong genre sa pinoy music... POGI ROCK.

Saan at paano nagsimula ang genre na ito?

Siguro dahil sa hilig ng tao ng fusion, napapaghalo nya ang mga hindi nagkakasundong styles para makagawa ng isang common ground sa mga nag-aaway.

For example, noong mga 1992 to early 1997 (ang "Rock of the World" era ng LA 105.1), ganap na ganap yung metal vs hip-hop wars. Naaalala ko pa nung iniintroduce nina Ely Buendia (Eraserheads) at Dong Abay (Yano) yung kanta ng Introvoys nung nag-guest DJ sila sa LA. Parang ganito yung sabi ni Ely: "at ang next song po natin, galing sa isang .. ah.. hip-hop band, Line To Heaven by the Introvoys" (sarcastic applause sa background). Wala kang maririnig sa mga DJ ng LA105 kundi "Kill The Hip-hop". Naka-attend pa ako ng isang underground concert noon, may mga nakita akong punkista na ang tawag sa grupo nila ay HUKBALAHOP (Hukbong Bayan Laban sa Hip-hop). At malaking proof ng giyerang ito ang Punk Zappa character sa second album ng Eraserheads. To quote Punk Zappa:
"...tapos, pag Linggo, pupunta kaming lahat sa Megamall. Tapos, aabangan namin yang mga hiphop na yan. Tapos, pag-uumpugin ko yang mga tinginingining breakdancer at mga yo na yan. Tapos, bubugbugin namin sila. Tapos, kukunin namin yung mga D.M.s nila..."

Not long after, noong 1997, sunud-sunod lumabas ang mga bandang Limp Bizkit, Korn, at Incubus na may flavor ng hip-hop sa kanilang pagka-"metal". Dagdag pa dito ang Family Values Tour noon na bukod sa mga rock bands ay nagfi-feature din ng hip-hop at techno artists. Nilamon agad ito ng mga tao na dating galit sa hip-hop at nakisabay na rin sa "yo yo yo" at "wassup ma nigga" habang nakikiheadbang. Ang final nail to the coffin ng hip-hop vs metal wars ay ang 1998 hit single ni Puff Daddy na Come With Me na nag-feature kay Jimmy Page (Led Zeppelin) na nagsasample ng song na Kashmir.

E shempre sikat na ang fusion ng hip-hop at metal. Kelangan na ng mga Pinoy counterparts ng Limp at Korn. Ayan at naglabasan na ang Greyhoundz, Cheese (Quezo), at ang patok na patok na Slapshock.

Ok, ok, anong connection nito sa Pogi Rock?

Noong 1997 din, kung matatandaan ninyo, sumikat ang Spice Girls at Hanson sa U.S. Nung 1998 tuluyan nang sumikat ang Backstreet Boys, NSync, Boyzone, at Westlife. Matapos ang ilang years ng paghihirap ng mga tao upang ilibing sa limot ang Menudo at ang New Kids On The Block, sumulpot ulit ang mga BOY BANDS.

Ang boy band ay grupo ng apat hanggang anim na lalaki (5 ang magic number) na kumakanta ng mga Hiphop-R&B-pop melodies. Pinipilit pa nga nila na huwag "boy band" ang itawag sa kanila kundi "vocal group". Yeah right. Minsan maiisip mo na lipsynching lang talaga ang ginagawa ng mga grupong ito pero wala na silang pakialam dun kasi hindi yun ang mahalaga para sa commercial success ng isang boy band. Ika nga sa Wikipedia,


"Equally important to the group's commercial success is the group's image, carefully controlled by managing all aspects of the group's dress, promotional materials (which are supplied to teen magazines), and music videos, the most famous boy band manager being Lou Pearlman. Typically, each member of the group will have some distinguishing feature and be portrayed as having a particular personality stereotype, such as "the baby," "the bad boy," "the nice boy." Whilst managing the portrayal of popular musicians is as old as popular music, the particular pigeonholing of boy band members is a defining characteristic of boy and girl bands." (http://en.wikipedia.org/wiki/Boy_band)
Siguro ngayon tapos na kayong mag-"aaaaahhhh oo nga no". Ang pogi rock ay ang fusion ng Rock at ng Boy Band. Hindi necessary ang talent, hindi necessary na maganda ang nilalaman ng kanta mo. Ang importante e mabenta ang itsura mo sa mga babae. Ang mga major characteristics ng Pogi Rock band ay ito:
  • may vocalist na may "angelic" face para ma-complement ang rugged na dating ng distorted guitars,
  • may love song na carrier single, at
  • 80% ng population ng mga live gigs ay mga babae at bading. Yung 10% e mga fans na lalaki, yung 8% e yung mga boypren na pinilit sumama sa gig at yung natitirang 2% ay tropa ng mga nag-front act na banda.
Is Pogi Rock a derivative of Glam Rock? Medyo. Kasi ang glam nakafocus din sa looks ng band (pero noon dapat mukhang babae lahat ng members), accompanied ng kakaiba at nakakasilaw na mga costumes. Siguro ang pinagkaiba ng Pogi Rock sa Glam Rock, open ang gayness at bisexuality (hehehe).Ang mga sumikat na glam acts ay sina David Bowie, Alice Cooper, and Queen.
Masama ba ang Pogi Rock bands sa Pinoy music industry?
Kung tatanungin mo ako, necessary evil. Nasa maximum tolerance mode ako pagdating sa Pogi Rock. Kasi, I would rather listen to Pogi Rock than listen to an "acoustic" (sabi dun sa Pinoy Rock mailing list, there is no such genre as "acoustic") recycling of an 80's or 90's hit. Kahit pakyut ang mga bandang ito, sila ang sumulat ng mga kanta nila. And these Pogi Rock bands are doing good in the local "hit charts". Last time I watched the MYX Daily Top 10, Pinoy rock bands ang naglalaban sa top 3. Yung mga mainstay ng chart na Backstreet Boys at Westlife, nasa lower 3. The rest, either "acoustic" o yung mga singers na nananalo sa Search for the Next Singing Dancing Acting & Tumbling Sensation Contest ng mga TV station.
Bukod pa dito, nagkalat na ang mga stalls na nagtitinda ng musical instruments sa malls. Maraming bumili ng gitara nung Christmas 2005. Tuwing dadaan ako dun sa isang high school sa amin, dati-rati laging may nagpa-practice ng sayaw ala-Universal Motion. Ngayon, mga kumpul-kumpol na studyante na may dalawang gitara at nagja-jamming na.

Pero ang pinakamagandang perk para sa kin ng pag-emerge ng mga pogi rock bands ay ang malinaw na demarcation line sa mga banda kung "for the love" or "for the money" ang ginagawa nila. Merong mga banda na talagang malalaman mong mahal na mahal nila ang kanilang craft at mahal nila ang Pinoy rock scene, pero habang nangyayari ito e kumikita sila ng malaking pera. Ngayon, madali mo nang madi-distinguish ang mga bandang mabubuo lang kasi gusto ng manager nila ang limpak-limpak na salapi at wala na silang pakialam kung saan pumunta ang scene.
My final take on the Pogi Rock scene? I-download mo muna yung mga mp3 nga kanta nila. Kung magagalingan ka sa tugtog nila, bilhin mo yung album. Pag lalaki ka tapos manonood ka ng gig nila, gawin mong babe-hunting festival. Make the most out of them kasi konting panahon na lang at mawawala na ulit ang Pinoy rock sa mainstream at mapupunta sa kung ano mang isalaksak sa lalamunan natin ng MTV at MYX.