Monday, February 26, 2007

Dongabay - Flipino

February 2007 na. Ibig sabihin, anim na buwan ko nang pinapakinggan ang Flipino ng Dongabay. So far, eto ang kaisa-isang album ng 2006 na pinapakinggan ko as a whole album, at hindi yung papili-pili ako ng kanta para patugtugin. Tama lang na bigyan ko sya ng review dahil, una, napakaganda ng album na ito, at pangalawa, for documentation purposes.

Marami na akong binasang mga blogs na nagre-review ng album na to, at tama sila na ibang Dong Abay na ang nagsasalita sa mga kanta rito. Wala na daw ang "angas" o "angst". Kung papakinggan mong mabuti, existentialist ang theme ng album, nags-stress sa individual existence, subjectivity, individual freedom, at choice. Malamang-lamang, wala na talaga ang angst. Kung nag-aangas pa rin si Dong Abay dahil galit sya sa sarili nya at nagrereklamo tungkol sa mga desisyon nya sa buhay, ilalagay ko sya sa ilalim ng genre na "emo", kasama ng mga bandang kumakanta tungkol sa paglalaslas at paglalasing sa sementeryo para maging cool.

Ito ang unang proyekto ni Dong Abay na ginamit nya ang pangalan nya (dongabay) bilang collective term sa kanyang banda. Selfish? Ego-centric? Don't judge a book if you are not a judge.

Sa unang kanta (Espasyo), ina-acknowledge nya ang role nya bilang entertainer ("sa paglapag ng sumbrero"), at sine-set na nya ang expectations ng listener ("aking kwento ay buhay ko at buhay mo"). Parang sinasabi nya na narito sya para mang-aliw, pero mas maganda kung makikinig ka sa mga sasabihin nya.

Sa Akrostik naman, sa pamamagitan ng paglalaro ng mga salita, ay nagpakilala sya ("yan o yan o yan ako ako ay sino ba"). Lumabas sa Akrostik ang "specialty" ni Dong Abay, ang "patter" style ng panulat. Estilong rapid-vocal at stream of consciousness. Inihayag ni Dong Abay sa kantang ito na siya ay indibidwal at hindi maaring ihambing sa ibang mga musikerong nauna o sumunod sa kanya.

Ayan. Medyo nakikilala mo na si Dong Abay sa unang dalawang kanta. Lalo mo pa syang makikilala sa mga susunod na kanta.

Ang kantang Aba-aba ay parang "act of contrition" ni Dong Abay. Dito ay inamin nya na ang kanyang kalagayan ay produkto ng pagmamatigas sa kanyang mga prinsipyo at paniniwala. Ang lyrics nya ay batay sa mga kasabihan ng mga matatanda, na parang nagpapakita ng remorse sa pagsaway sa mga payo sa kanya ("ako'y laging naglalakad ng napakatulin kaya ako'y matitinik ng napakalalim").

Pero sa Perpekto, parang kumabig si Dong. Kung sa naunang Aba-aba ay inaamin nyang naging pasaway sya, ang Perpekto ay ang kanyang paraan para sabihing lahat ng tao ay nagkakamali. 15 years ago, relate na relate ako sa "Next In Line" ng After Image dahil sumasalamin ito sa buhay ko noon, walang katiyakan, pero optimistic at idealistic. Ngayon, itong Perpekto ang tumutugma sa kalagayan ko (at malamang sa lahat ng ka-generation ko), burned out sa bwakananginang mundong ito,

Ang Mateo Singko, para sa akin, ang pinakamagandang kanta sa album. Tuwing lalabas ako ng bahay namin at makikita ko ang mga squatter sa kalye namin, ume-echo sa utak ko ang boses ni Dong na paulit-ulit na kumakanta ng "mahirap maging mahirap". Dito sa Mateo Singko, pati na sa Awit Ng Kambing at sa Solb ay ipinakita nya na ang mga pangit at karumal-dumal na bagay sa mundo ay may dahilan at bunga rin ng kawalan ng pag-asa.

Sa Bombardment sinasabi nya na you are what you choose. Nakakaaliw ang pag-limit nya sa dalawa ng choices. It's either La Salle o Ateneo, ABS-CBN o GMA7, original o pirated.

Bilang isang tagapakinig ng Yano at PAN, masasabi kong iba na ang lyrics ni Dong Abay sa dongabay kesa sa unang dalawang banda. Sa Yano, para siyang commentator sa AM radio na putak nang putak. Typical U.P. student na may impluwensya ng LFS. Sa PAN, nag-mature ang kanyang pagrereklamo sa lipunan dahil nahasa na nya ang paggamit ng talinhaga at paglalaro ng salita. Sa unang tatlong album nya ay umikot sa tema ng kabulukan ng lipunan at gobyerno. Sa dongabay naman ay nirespeto na ni Dong ang katotohanan na ang kalagayan ng bawat tao ay mula sa kanyang mga kapasiyahan.

Choice. Individual existence. Subjectivity. Nasagot ni Dong Abay ang "Naroon" na sinulat nya noong nasa Yano pa sya. Hindi mo na kailangang liparin sa ulap, sisirin ang dagat, o hukayin sa lupa para mahanap ang kalayaan. Kailangan mo lang tumingin sa salamin.

Sa Yano at sa PAN, madalas iparating ni Dong Abay na kahit saan ka tumingin, pangit ang mundo. Sa dongabay, lumilingon pa rin sya sa mundo at nakikita ang kapangitan. Pero dito rin sya unang tumingin sya sa sarili nya at nakitang maganda ang mundo.

4 comments:

Anonymous said...

Dong Abay's ex-yano partner Eric Gancio is still alive and kickin'.he performed in our place (malaybalay city, bukidnon) last week.parang bumalik ako sa 1990s as eric and his band performed all songs from yano's first album plus sana (from bawal) and paalam sampaguita (from tara).i took some pictures of the show and i wonder if i could send it to you (kung interested ka).may solo album din sya,titled "sa bandang huli",which was recorded and released in his homeland in davao.folk/rock-influenced pa rin ang kanyang music kaya lang di masyadong maganda ang quality ng recording,parang home made lang kasi.pero ok na ok ang show nila.sana magsama ulit sila ni dong at buhayin muli ang yano.

kenshin said...

Para sa akin, ang Aba-aba ay patungkol sa ating lahat at sa kinalalagyan ng ating bansa. "Kasalanan ko kung bakit ka nagkaganyan, kung bakit kaaba-aba ang kalagayan". Kung noon lagi nyang pinupuntirya ang kabulukan ng gobyerno, sa Aba-aba sinasabi nya na hindi lang ang mga nasa puwesto ang maaaring sisihin, kundi lahat tayo..bawat Flipino.

"Sa unang tatlong album nya ay umikot sa tema ng kabulukan ng lipunan at gobyerno."

Kung bibilangin mo pati ang PAN, apat ang album ni dong abay bago ang Flipino.

Anonymous said...

ang album na 'to ang ginawa naming topic sa aming thesis. Ang atnong sa amin ng thesis adviser: "di ba Journ major kayo? Bakit dongabay ang gusto niyong topic?"

hahaha. wala lang. siguro kasi, ung mga kanta sa album, may sinasabi, may kuwento, may laman, may lalim.Yon.

gusto ko lang pakinggan mga kanta nila. Gusto iyong 'perpekto'. dahil tamang-tama siya. Wala...wala naman...wala namang perpektong tao...

tatapusin namin ang thesis namin, hindi lang para pumasa. iyon...

im next i hope said...

pare hanga ako sa comment mo. galing ng review mo. fan din ako ni dong abay baby. keep up the good blog.!